Ingredient ba o condiment [ng pagpapakatao] — ang pananampalataya sa Diyos?
Hindi bago saakin ang tanong na ito, sa katunayan, second year college pa lamang ako, naitapon na sa akin ang tanong na ito. At kahit ngayon, sa simula ng pagsagot sa tanong at pagsulat ng papel na ito, ay napakarami at bigat parin ng mga frustrations na nararamdaman marahil hirap paring makita ng malinaw kung ano nga ba ang papel ng pananampalataya sa Diyos ng pagpapakatao. At nais kong subukang tahakin at lakbayin ng mas mabuti at ng mas malalim ang paghanap sa sagot sa tanong, dahil mahalaga na masagutan ko ito.
Naaalala ko pa ng mabuti yung araw na una itong itinanong sa akin ng aking kaibigan at sa isang heartbeat, ang sinagot ko ay ingredient. May galak sa pagsabi ko nito. Pero nagulat ako ng sinabi sa akin ng aking kaibigan na condiment para sakanya ang pananampalataya sa Diyos. Hindi ako nung una makapaniwala, na ang Diyos ay isang condiment lang. Pero alam kong maganda ang relasyon ng aking kaibigan sa Diyos at siya’y matalino kaya’t gusto ko malaman kung bakit. Naging bukas ako, at gusto kong maintiindihan. Siguro may parte na din sa akin na gustong pumasok sa diskusyon tungkol dito ng mas makita kung ano nga ba ang tamang sagot.
Ingredient ang pananampalataya sa Diyos marahil hindi ko lang makita ang buhay ko na walang Diyos. Sobrang malaking parte Siya ng aking buhay. Pero sabi ng aking kaibigan, na ito’y para sa akin lamang at kailangan ko ring tignan sa pangkalahatan. Paano yung mga taong hindi naniniwala sa Diyos pero masaya? Paano yung mga taong hindi naniniwala sa Diyos pero mabait sila? Sa una nagtatapon ako ng mga argumento, pero napatigil din ako sa punto niya na hindi ba’t mas may halaga na condiment ang Diyos at di mo naman Siya kailangan pero pinipili mo Siya na maging parte ng buhay mo, imbis sa Ingredient ang Diyos at pinipili mo Siya dahil alam mong kailangan mo Siya para maging buo? Hindi ba’t mas mukhang pagibig siya kung pinili mo Siya kahit na hindi Siya kailangan at added-value lang Siya?
At bigla akong napatahimik at nakaramdam na parang umaalon sa aking dibdib. May parte sa akin na hindi nga nakikitang pa-importante ang Diyos na ginawa Niyang kailanganin natin Siya. At hindi ko lang naman Siya mahal dahil lamang sa isang rason na binubuo Niya ako. Kasama ito, pero mahal ko rin Siya dahil natutunan ko sa Kaniya ang ibigsabihin ng pagmamahal sa karanasan ng kaniyang pagmamahal na kusang naitutulak lang akong gawin din ito sa iba. I don’t see Him as a self-centered God. It makes so much sense, but there was no peace within me. Walang kapayapaan sa kalooban ko. Sobrang simple at daling intindihin at mas ankop sa lahat ng tao na Condiment nga ang Diyos at hindi lamang personal sa akin. Pero parang hindi ko lang matanggap na hindi kailangan ang pananampalataya sa Diyos sa pagpapakatao. Hindi lamang talaga. At alam ko na hindi lang ako stubborn, dahil gusto ko rin naman malaman ang katotohanan tungkol sa Diyos ko.
At dahil gusto ko nga lang malaman ang katotohanan, dumating ako sa punto na nag tanong-tanong ako sa mga tao. Atat ako na tanunging ang lahat at makinig lamang sa sasabihin nila. Ako’y umaasang sa mga sagot nila baka mapagtagpi-tagpi ko para sa aking sarili ang aking sariling sagot. Hindi parin nawawala ung gustong malaman kung ano nga ba talaga ang papel ng Diyos sa pagpapakatao, at hindi lamang sa pagpapakatao ko, pero sa pagpapakatao ng kalahatan. Walang katapusang pagtatanong ang aking ginawa simula second year ako hanggang ngayon sa aking mga kaibigan sa bahay, aking mga ate at kuya sa mga organisasyon at pati narin ang aking mga blockmates. Gusto ko marining yung iba’t ibang sagot ng iba’t ibang klase tao. At masaya kahit papaano na nakakakuha ako ng iba’t ibang magagandang sagot at dahil dito nakikilala ko ng paonti-onti ang Diyos. Pero hindi parin nawawala angfrustration. Oo, maraming iba’t iba at napakagandang sagot, pero hindi ko parin masagot para sa aking sarili ang tanong. Ingredient ba o condiment [ng pagpapakatao] — ang pananampalataya sa Diyos?
Dahil sa aking pagtatanong sa iba’t ibang tao, isang beses, nakakuha ako ng isang sagot na kakaiba. Ang sabi lang niya sa akin ay, “Walang tama at mali sa sagot na iyan. Basta’t mapanindigan mo kung ano iyong sagot mo, at kung ano ang kahulugan nito sa iyo.”
Kung iisipin siguro dapat ay naging payapa na ang aking kalooban ko sa sagot na iyo at hindi ko na kailangan mapalagay dahil wala nga namang tama o mali. Pero hindi nawala ang frustration. Buhay na buhay parin siya. Sa paghahanap sa katotohanan, hindi sapat na makahulugan ito sa akin. Kailangan ko lang naman talaga malaman dahil alam ko na kung ano man sa dalawa ang totoo, may masasabi ito tungkol sa Diyos. At iyon lang naman ang gusto ko, na mas makilala ang Diyos. Gusto ko lang na mas maintindihan at mas makilala siya. Siya nga ba’y isang malaking parte talaga ng ating pagkatao at kabuuan? Siya nga ba’y hindi isang self-centered God na gustong maging malaking parte ng buhay natin at binigyan naman niya tayo ng free will na piliin Siya? Siya nga ba’y isang patuloy na gabay sa bawat galaw, bawat yugto ng buhay ng mga tao, naniniwala man sakaniya o hindi? Siya nga ba’y isang Diyos na hindi kailangan para maging buo, pero mas nakakapagbigay ng kahulugan? Sino nga ba Siya? Sino nga ba ang Diyos at ano ba ang papel Niya sa pagkatao ko? Ano nga ba ang papel Niya sa buhay ko? Maari kong bang malaman ano ang tamang sagot para naman makatulong na mas makilala ko Siya?
Pagkatapos ng napakadaming tanong, sa tulong na rin ng katahimikan, sinubukan kong tignan lamang ang lahat. At aking napansin na lutang ay ang karanasan ng frustration sa aking paglakbay na masagot para sa aking sarili ang pilosopikong tanong na maaring wala ngang tama o maling sagot. Bakit lutang ang frustration? Bakit buhay na buhay ang emosyon na ito?
May frustration dahil sa hindi matahimik na pagnanasang makilala lang talaga Siya. Sobra yung kasiyahan ko tuwing tinatanong ko yung mga tao kung ano sagot nila at kahit papaano nasisilayan ako ng Diyos na hanap hanap ko. Pero hindi naman ito talaga kahit kailan magiging sapat. Dahil ito’y isang pagkilala lang sa Diyos at hindi ko naranasan. Malaki ang pagkakaiba sa may malaman tungkol sa Diyos at ang makilala ko Siya mismo. At hindi marahil hindi ko masagot ang tanong dahil hindi ko Siya makasama at makilala sa sariling karanasan.
Isa rin sigurong rason ay ang katotohanang di naman talaga Siya kayang maintindihan at makilala ng buo dahil Siya’y ganap na iba.
Pero bakit pa ninanais na makilala Siya kung mahirap. Bakit pa sinusubukang kilalanin ang Diyos kung alam ko namang kaunti lamang ang kaya ko. Mabibigo at mabibigo lamang din naman ako. Bakit? Dahil sa simpleng rason na gusto ko pang ipagpatuloy na mahalin Siya. At magagawa ko lamang ito habang patuloy na nakikilala Siya, at sa pagkilala ko Sakanya nadaragdagan ang rason na mas mahalin lang Siya, gaya ng sabi ni San Anselmo sa Proslogion:
“Let me find You in loving You, and let me love You in finding You.”
Lutang ang emosyon ng frustration dahil gusto ko nang mahalin pa Siya at magagawa ko lang ito sa pamamagitan ng makilala at maranasa pa Siya. May pagkabigo sa mga pagkakataong pilit Siyang kinikilala at hinahanap pero hindi nagwawagi. Dahil dito, mayroon tuloy mga pagaalinlangan sa mga bagay. Mayron tuloy mga pagaalinlangan sa buhay. Parang ang hirap tuloy gumalaw dahil ang mga desisyon ko sa buhay ay nakaugat sa spiritualidad ko, at sa relasyon ko sa Diyos. Nakaugat ang aking paggalaw sa buhay na ito sa pagkilala ko Sakanya, na Siyang pagibig, kabutihan at higit pa sa lahat ng ito.
At hindi ko inakalang, oo sa isang heartbeat kaya kong sabihingIngredient para sa aking pagkatao ang pananampalataya ko sa Diyos, pero kaya ko rin itong sabihin pagkatapos ng isang matagal na paghahanap, na may mga pagkabigo rin, kung sino Siya sa pamamagitan ng paghanap ng sagot sa tanong na Condiment ba Siya o Ingredient sa ating pagpapakatao.
Masasabi kong Ingredient ang pananampalataya sa Diyos sa ating pagkatao. Una, ang pagiging tao ay hindi lamang ang katotohanang buhay tayo, humihinga at tayo’y gumigising araw araw. Siguro yun ung kontekstong nagsasabing condiment ang Diyos dahil kaya naman nating huminga at mabuhay ng hindi Siya pinapansin. Ang kabuuan ng ating pagkatao ay higit pa rito. Oo, kaya kong mabuhay na walang Diyos, pero ang buhay na ito ay isang buhay na walang halaga, walang laman, walang direksiyon. Ang ako na iyon, ay hindi ako, at hindi buo. Ang adobo na walang main ingredient ay isang pagkain parin, pero hindi ito yung adobo na alam natin.
Nabubuo tayo kapag tayo ay maligaya, pag tayo ay nakarating or nakakaranas ng gaudium. Itong gaudium na ito ay ang Diyos. Itong gaudium na ito ay Siyang mapagmahal na Diyos na ginawa tayo para maging masaya, at Siya na ang mismong naghahanap satin para madala Niya tayo dun sa kaligayahang iyon. Hindi kailangan maniwala na Diyos para sabihin na ang kabuuan ay nakakamit sa isang kakaibang ligaya. Ang ligaya na ito ay walang iba kung hindi ang Diyos, at siguro dito papasok ang pagkakilala ko sa Diyos na siya’y hindi naman pinipilit ang kaniyang sarili sa atin. Hindi man natin Siya pinapansin o pipiliin, andiyan parin Siya, tinutulungan at ginagabayan tayo tungo sa daan na ikabubuti natin at ikaliligaya natin. Sapat na sakanya na maging parte ng buhay natin, kahit hindi natin Siya piliin na maging parte ng atin.
Siyang pagibig, kapayapaan, at lahat ng mabuti, at mas higit pa sa mga ito, added value lamang? Hindi ko maipinta. Sabi ko nga sa simula, na sa una, parang madaling hawakan, it makes sense. Pero hindi ba’t pag nakita natin na kinayang hawakan at Diyos, hindi na Siya ito? Hindi ba’t kailangan binabasag ang mga larawan ng Diyos pag masyado na itong sarado at malinaw, dahil imposibleng makita ang Diyos ng sobrang linaw at simple.
Hindi ako kung sino ako kung walang Diyos. Wala naman kasi talagang nanggaling sa akin eh. walang nanggaling sa atin. Hindi ko maisip na kung condiment man Siya, saan nanggaling ang pagmamahal, ang kapayapaan at ang kabutihan na nanggagaling sa atin? Sakanya lamang nanggagaling ito. At nasa atin na ang pasya kung aalamin pa natin ang mga kasangkapan ng napakasarap na luto ng adobo, at kung bibigyan natin ito ng halaga. Sakin, aalamin ko pa. Aalamin ko ano ang nagpapasarap sa paboriton kong adobo. Ano man ang iyong pasya, hindi parin magbabago ang mga kasangkapan nito.
—-
This is more than a Calasanz Philosophy Paper to me. I poured my heart and faith into this. :)




